
Sinasabi ko na nga ba. kahit anong gawin ko, wala talagang takas. Pwera na lang siguro kung mawala ako sa katinuan o hindi na huminga o bumigay na ang utak ng tuluyan.
Wala ng titigas pa sa rehas o sa konkretong pader. Wala na ring lalakas pa sa batas ng mundo. Wala na ring nakakatakot pa sa habol ng konsensya. Wala na ring nakakasakal pa sa mga hinihingi ng pang-araw-araw na pamumuhay. Kung sino mang umayon sa mga sinabi ko, nagkakamali ka. Dahil may isang bagay na kahit anong gawin ko, ay higit pa sa mga bagay na ito. Ang habang-buhay na bilangguan. Magpakailanmang kulungan —- ang aking sarili.
Mula pagkabata, wala ng titigas pa sa ulo ko. Bakit ba hindi ko matutunan na pwede kong habulin ang anumang pangarap na gusto ko. Na pwede namang magsalita at manindigan para sa mga gusto kong mangyari sa buhay. Pero hindi ko ginawa. Hinayaan kong ibang tao ang bumuo ng landas na tatahakin ko. Na halos one-way, no U-turn at pundido ang pulang ilaw sa traffic lights.
Wala na ring lalakas at nakakatakot pa sa mga emosyon ko. Parang mga bombang sumasabog sa bawat pagkakataong nagtatalo ang kabutihan at kasamaan sa aking pagkatao. Nakaka-alarma. Pabugso-bugso. Na tipong hindi ko alam kung nagiging si incredible hulk ba’ko na nagwawala at nagsisisigaw na parang wala ng bukas o nagiging isang di-malamang makina na dumudura ng mura sa mundo kapag nababanas at napuputa.
Wala na ring nakakasakal pa sa mga paulit-ulit na pangyayari ng mga bagay-bagay na dapat sana’y natutunan ko na sa unang beses pa lang na maranasan. Nakaka-umay. Nakakagago.
Wala na nga akong kawala sa aking sarili. Sa aking mga saloobin. Sa aking diwa. Sa aking buong pagkatao. Parang isang bilanggong napagbintangan, ikinulong at sinintensyahan habang-buhay. Oo nga. oo na.
Kailangan ko na sigurong tanggapin na panghabang-buhay na akong makikipagbuno, makikipag-away, makikipaglaban, sasang-ayon na lang sa mala-diktador na sarili o madalas pa ring kokontra. Ngunit kahit anong gawin ko, hindi ko makakamit ang aking kalayaan sa tulong ng: pagbibilang ng mga taon [sa pamamagitan ng pagtanda at matutong mag-isip ng maayos at maging maalam sa buhay], o sa perang pampyansa sa mga araw na nakokonsensya ako sa mga bagay na tulad ng panlalait, pagmamarunong, pagmamayabang, at pagmumura sa mundo.
Maaaring may susi palabas, ngunit sa pagkakataong ito, ako ay pinakamahina. Saktong halimbawa ng pagdagdag sa sarili ng mas marami pang kadena at kandado. Sutil. Pahirap sa sarili.
Eto ako. Eto na nga siguro ako. Preso, hindi ng mundo kundi ng sarili.
Hay. Sinasabi ko nga ba.