Dear, World. Love, Jenny.

Jedi thoughts, MD diaries and Random geekiness

NATAUHAN NA DAW — August 3, 2007

NATAUHAN NA DAW

Naaalala ko ang mga panahong halos araw-araw ay galit na galit ako sa mundo, kahit napakababaw naman pala ng rason. Walang kwenta kung tutuusin. Pero sa mga panahong yon akala ko napakabigat talaga ng mga dinadala ko.

Naisip ko, mashado pala akong mahina noon. Dahil hinayaan ko sarili ko na lamunin ng lungkot, mawalan ng direksiyon, maginarte sa mga bagay-bagay… sayang ang mga panahong pwede kong ayusin ang aking pag-aaral, ang di tumambay at di ma-late sa klase…mga panahong pwede kong ayusin ang trabaho ko, ang di tamaring magresearch, di ma-late sa pagpasok at maging interesado sa ginagawa ko.

Sabihin na nating napagdaanan ko lahat yun dahil may gusto saking ituro ang buhay. Oo, natuto ako, pero di ko maipagmamalaki yun…

Sayang ang ilang taong palagi akong malungkot. Bakit nga ba kasi napakarami kong hinahanap nun? Natatawa na nga lang ako ngayon at sinasabi sa sarili ko: “ang dami mo palang arte sa buhay, jen…”

Ngayon, kaya ko ng tumunganga sa buong araw at di awayin ang mundo at di mabugnot. Masaya ako sa sarili ko. Kahit palagi lang ako nasa bahay at di lumalabas. Kahit wala akong kaibigang malapit sa kinalalagyan ko na pwede kong ayain magfood trip o samahan ko siyang mag-yosi o mag-jamming, magbilyar, magping-pong o tumambay lang…kahit wala pa rin akong trabaho at wala ring pera…kahit ganon. Masaya ako.

Nakakatuwa pala ang buhay. Nakakasabik ang mga susunod na maaaring mangyari. Sa isang iglap, iikot ang mundo mo na parang roleta. At magugulat ka kung saan siya titigil. (malay mo naman, sa jackpot na!)………..

gusto ko balikan… — September 2, 2006

gusto ko balikan…

Posted by jen on September 01st 2006 to KWENTO KO

Hay, eto ako madalas pa ring natutulala, hindi dahil sa natuluyan nakong nabaliw kundi madalas lang talaga akongtumunganga ngayon at mag-imagine, isipin lahat ng gusto kong balikan nung bata pa ‘ko…

Gusto kong balikan ang panahon na araw-araw ay pinipilit ako ng nanay ko na matulog sa hapon. Sana pala hindi matigas ang ulo ko noon at nilubos-lubos ko na ang pagtulog, dahil ngayon, halos di ko na yun matikman, lalo na yung mahimbing na tulog. At kung sinunod ko nanay ko noon eh lumaki pa siguro ako (asa pa).

Gusto kong balikan ang mga panahon na umaakyat ako sa puno ng bayabas sa likod-bahay namin.kapag wala ako magawa, doon ako nagpapalipas ng oras, pipitas ng bunga, kakainin at uupo sa isang sanga at doon lang magpapahinga…masarap ang pakiramdam ko noon…naaalala ko pa ang masungit na alagang pabo ng lola ko, na kailangan matakasan ko muna dahil nanghahabol siya pag aakyat ako ng bayabas…kung kukupad-kupad ka at di ka kaagad makakasampa sa sanga eh malas mo at isang malupit na tuka ang aabutin mo. Baka nga di lang isa, ubod ng sungit ang pabo na yun eh.

Gusto kong balikan ang mga panahon na nakakapagpalipad ako ng saranggola, gumawa ng papel na bangka at eroplano, maglaro ng trumpo, makipagtaguan, mahulog sa kanal, magdilig ng halaman, mag-igib sa poso, maligo ng hubot-hubad sa may poso (hehe), utusan ng nanay ko bumili ng mantika sa kanto at magbasa ng komiks (kahit numero unong pinagbabawal ng nanay ko to).

Gusto kong balikan ang mga panahon na nakakabili ako ng bazooka bubble gum at basahin ang comics sa loob ng wrapper.wala lang.naisip ko lang un bigla.
Gusto kong balikan ang unang beses na nagpakajologs ako at nagka-crush sa artista. Sino yun? Naku, wala ng iba, kundi si Romnick Sarmenta. Ewan ko ba pero kyut na kyut ako sa kanya nun. Hayaan na, wala ako magagawa, eh siya talaga nagustuhan ko nun.

Gusto kong balikan yung unang beses na nakatanggap ako ng love letter at kung gano katinding kantiyaw nakuha ko. Gusto ko yung balikan dahil sobrang nakakatawa. Biruin mo ba naman, sa nanay ko pa inabot yung sulat! Nung binasa ko na eh gusto ko na maiyak dahil sinabi niya (sorry di ko na maalala pangalan niya, grade 4 pa lang ako nun eh) na gusto niya raw ako. Di ako naiiyak nun sa sinabi niya, kaya ako naiiyak eh dahil habang binabasa ko yun eh humahagikgik na sa tawa ang nanay at tatay ko! At eto pa, may kalakip pa na picture niya, itago ko raw. Ay grabe, ano ginawa ko? Pinasoli ko picture niya, at tinapon ko yung sulat. In short, pikon si jen. At dahil dun sa reaction ko, dumoble pa ang tawa at kantiyaw ng mga tao sa bahay. Bugnot na bugnot tuloy ako pag nakikita ko yung mokong na yun….pero after high school nakita ko ulit siya, putik, muntik ko na di makilala (actually di ko talaga naalala pangalan niya) pero ang masasabi ko lang, maayos itsura niya. Cute naman at maganda katawan. Pero bigla lang ako nahiya kasi naalala ko pinaggagawa ko nun sa kanya. kakahiya talaga. hahahaha.

Gusto kong balikan ang mga panahon na naghaharutan kami ng ate ko — na madalas ay nauuwi naman sa away dahil nauuwi sa sakitan ang kilitian namin. Pero naaalala ko ang panahon na di ako marunong magayos ng buhok ko at ate ko ang gumagawa nun. Mula sa pig tails hanggang sa pony tail hanggang sa paglalagay ng barrettes. Kung wala ate ko, pumusta ka na, na nakalugay lang lagi ang buhok ko.

Gusto kong balikan ang mga panahon na uso pa si santa claus sa buhay ko. Nakakamiss ang mga pasko na pwede ka magsulat at humiling ng regalo. Ngayon natutuwa ako pag nakikita ko kung gaano kaexcited ang mga pinsan ko sa pagdating ng alas-dose, kung gaano sila kaexcited buksan ang mga regalo at makita kung gaano sila kabilib na alam ni santa kung ano gusto nila…ganito na ang pasko ko, maging masaya dahil nakikita kong masaya ang mahal ko sa buhay…pero gusto ko pa ring balikan ang panahong yun…kaso paniguradong magrereklamo na si santa sakin, kasi hihingi ako ng palm top o lap top sakanya. Hahahahaha…….