NAKAKALULA — ang mga pagkakataong katulad nito. tahimik. nakaupo lang sa isang sulok at walang ginagawa. nakapanghihina ng kamalayan. nakapanlalata dahil kanina pa hinahampas ng mga bagay na sabay-sabay na dumarating at pinoproseso ng isipan. mga bagay na tumatraydor sa sarili. lumalamon ng mga naipong lakas. umaanay sa mga pangarap na nais ipaglaban at abutin, at pagtagumpayan.
Hindi ko alam kung pa’no ba maipapaliwanag ang pakiramdam ng isang tao na halos bawat ikot at hakbang ay natatagpuan niya ang sarili sa gitna ng sanga-sangang daan. hindi ko rin alam kung paanong nagagawa ng ibang taong tumigil sa paghabol ng kanilang pangarap at manatili sa landas na nahanap mula sa kawalan, dahil lamang ito ay sapat na upang tumustos sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Darating ang isang tao sa punto ng kanyang buhay na napakarami niyang gustong gawin. pero hindi lahat ng tao ay nabibigyan ng pagkakataong makuha lahat ng ito. hindi ko na alam bakit ganun. hindi ko alam kung bakit sinasabi ng iba na “hindi ‘yun para sa’yo”. anong dahilan? at sa anong batayan? maaaring sinasabi ito ng iba para lamang tumigil na ang isang tao kakatanong ng “bakit” dahil wala naman siyang maisip na dahilan na kaya niyang tanggapin ng maluwag sa loob, at hahayaan niya ang lahat na mawala ng parang bula. darating rin ang isang tao sa punto na kapag tanungin mo kung ano na nga ba ang gusto niyang gawin ay sasagutin ka ng “hindi ko na alam”. dahil may mga pagkakataong wala siyang ibang gusto kundi maging masaya sa ginagawa niya, pero hindi na niya alam kung saang pangarap niya ba ‘yun hahabulin o huhugutin.
Ikaw. asan ka ba ngayon? masaya ka ba sa ginagawa mo? may kahulugan ba sa mundo at sa sarili mo ang kinaluluklukan mo ngayon?
Ewan ko. kanya-kanyang biyahe lang siguro talaga ‘yan. kanya-kanyang destinasyon. kanya-kanyang stop. hanep na planeta ‘to noh? sama-sama. pero kanya-kanya.
