minsan may mga pagkakataon na maiisip mo kung bakit bumibigay sa katinuan ang mga tao. kadalasan, sa naririnig ko galing sa mga isinisigaw nila, maiintindihan mo kung saan lahat yun nanggaling. sa poot. sa galit. sa pang-aalipusta. sa panghihinayang. sa mga hindi nakuhang ipinaglalaban.
andyan si mam. na nagtuturo dati ng ingles pero nais maging dalubhasa sa kimika. kinausap niya ko, hinainan ng napakaraming isinulat niyang programa para sa chem na isang tulad niya lang ang makakapagsulat. mga tipong gamit ng sungka sa pagpaliwanag ng octet rule. nakakamangha. pero nakakaistorbo din sa dati ng magulo kong utak.si mam. isa siya sa mga bumigay dahil sa hindi siya sumasang-ayon sa sistema ng edukasyon dito sa pilipinas. kaya pinipilit niyang mangibang bansa dahil sabi niya, mas maayos ang sistema doon. ngunit paano? paano pa siya makakalabas kung ganyan na ang takbo ng kanyang pagiisip? nakakalungkot na kwento. dahil hindi ko malaman kung sino ang sisisihin ko. at tandang tanda niya ang mukha ko. alam niya ang numero ko. malamang, alam niya rin na wala akong nagawa at naitulong sa kanya sa kahit anong paraan man, sa kanya mismo at sa mga pangarap na matagal na niyang hinahabol-habol.
anjan si manong mohawk. ang slogan nya, kung kuripot ka, mas kuripot ako. malamang isa siya sa mga pinagdadamutan ng mundo. inalipusta, kinawawa. punong-puno siya ng galit. naglalakad-lakad. taong grasa na hindi na mawari kung hanggang saan niya ipamamalita ang kakuriputan ng mundo. at sino pa kaya, ang taong mas baliw, na gumupit sa buhok niya ng kalahating mohawk at kalahating mapa ng pilipinas.
pahuhuli rin ba si ate? yung kasakay ko sa jeep na may hawak na puting bulaklak. wala siyang tigil sa pagsasalita. sa una aakalain mong isa lang siya sa mga taong sugo ng diyos na humihikayat sa mga taong “magbalik loob”. sabi niya: “wag niyong akalain na sira-ulo ako o baliw. isa lamang akong mensahero. alam niyo ba, na ang kaisa-isang kaligayahan ko sa buhay, inagaw pa —ng isang witness ni jehova. kaya galit ako sa kanya. pati na rin sa gobyerno. kung hindi bababa ang nakaupo sa kasalukuyang gobyerno, kamatayan nya ang kapalit”. bigla akong pumara. dahil bus stop ko na. [haha]. dinaanan ko ang ale, hawak pa rin ang puting bulaklak. ganoon nga siguro ang mangyayari kapag inagaw sayo ang kaisa-isang nagpapasaya sayo. nakakabaliw. nakakagalit. nakakapang-amok.
sa mga taong ito na nakasalubong, nakasakay at nakausap ko, napaisip ako.
hanggang saan ba ang kaya ng isang tao bago siya tuluyang mabaliw? hanggang saan din aabot ang kanilang kabaliwan sakali mang hindi na ito mabigyan ng lunas? hanggang kelan sila magpapalaboy-laboy? hangang kelan sila makikipaglaban? hindi bat nakakalungkot ring isipin na hindi nila alam na tinalikuran na nila ang dati nilang mundo, para lang ipaglaban ang bagay na dulot ng kanilang kabaliwan?
Hindi ko alam kung may lunas pa o mapagtatagumpayan pa ang mga pangyayaring ganito.
Nakakalungkot.
Nakakadurog ng puso.
Nakakasira ng tuktok.
hanggang saan ba ang kaya ng isang tao bago siya tuluyang mabaliw? hanggang saan din aabot ang kanilang kabaliwan sakali mang hindi na ito mabigyan ng lunas? hanggang kelan sila magpapalaboy-laboy? hangang kelan sila makikipaglaban? hindi bat nakakalungkot ring isipin na hindi nila alam na tinalikuran na nila ang dati nilang mundo, para lang ipaglaban ang bagay na dulot ng kanilang kabaliwan?
Hindi ko alam kung may lunas pa o mapagtatagumpayan pa ang mga pangyayaring ganito.
Nakakalungkot.
Nakakadurog ng puso.
Nakakasira ng tuktok.
photo:

