*kung bakit parang nagdadabog ang dibdib ko, hindi ko alam.

*kung bakit din sandamakmak ang gagawin pero sumampay lang na naman ako sa mesang may kupas na balot at tinatamad kumilos, ay hindi ko rin alam. siguro dahil napakarami nila kaya hindi ko na alam kung saan ko sila sisimulan. o dahil talagang kanina pa halos ayaw ko na lang nga bumangon.

*kung bakit halos ayaw ko bumangon, ay hindi ko alam — hindi ko alam kung dahil wala naman kasi akong klase buong araw o dahil masyado kasing malamig para iwanan ang mainit-init na lugar sa kama na halos di iniwan ng nakakumot at hindi na ata gumalaw na sarili.

*kung bakit napapakunot ang kilay ko sa tunog ng binabarenang dingding sa kabilang kwarto ay hindi ko alam. butasan kung butasan, kabitan kung kabitan. palamigin kung palamigin.

*kung bakit prime number ang 2 ay hindi ko alam.

*kung bakit nangangamoy usok ang estudyanteng nagtatrabaho dito sa opisina ay hindi ko alam kung saan man siya napadpad — usok galing sa apoy sa impyerno o usok galing sa kidlat sa taas.

*kung bakit naging parallel ang lines sa X sa finite plane ay hindi ko alam. gusto lang siguro ako pahirapan ng kasama ko dito. misery loves company kumbaga.

*kung bakit ang horror movies ay hindi naman nakakatakot pero nakakadiri lang sa mga pinapakitang wasak-wasak o uka-uka na dugo-dugo na parte ng katawan, ay hindi ko alam bakit hindi grose movie ang tawag sa kanila.

*kung bakit eto ang mga sinulat ko pero hindi naman talaga ito ang mga nais kong isulat eh hindi ko alam.

ngayong araw na ‘to, ang mga ‘yan ang hindi ko alam. papano pa kaya yung ilang araw sa tatlumpong taon ko dito. pano pa kaya sa mga susunod na araw ng buhay ko.

marami akong hindi alam. hindi ko rin alam kung bakit ganon.