umuulan na naman. pero hindi malungkot ang pagkakasabi ko niyan. naaalala ko lang na palagi mo sinasabi sa akin na ako si Ulan. Pa’no nga ba naman kasi, sa bawat pagkakataon dati na pupuntahan kita, kahit gaano pa katindi ang sikat ng araw, pagdating na pagdating ko umuulan…naaalala ko rin ang pagkakataong bigla ka magtitext na “malapit ka na makadating dito noh?” at magtataka ako pa’no mo alam na paparating na nga pala ako….at pagkatapos susundan mo ng mensahe na “nagsisimula na kasi umulan bigla dito eh”.
natutuwa ako sa mga ganung pagkakataon. natutuwa rin ako sa ilang beses na aayain kita maglakad habang umaambon o umuulan, at pinapayagan mo ko. tapos hindi tayo nagkakasakit pagkatapos ng pagtakbo-takbo at pagtatampisaw sa tubig-ulan na sinalo ng daan. nakakatuwa na para tayong mga bata, na natutuwa kahit nababasa, at pagtatawanan natin ang isa’t isa dahil nanginginig tayo sa lamig at hindi natin alam kung papano gagawin para malabanan ang ginaw. sisigaw, tatawa, magsisiksikan, tatawa ulet, hahanap ng makakainan para makahigop ng mainit na sabaw o magkakape.
mahal ko ang ulan. at pinakamamahal kita. bumubuhos ang ulan ngayon halos araw-araw. bumubuhos din ang pagmamahal ko sayo sa bawat araw ng buhay ko. kailanman hanggat nandito ang mundo, alam kong nariyan ang ulan….kailanman, hanggat tumitibok ang puso ko, andyan ang pagmamahal ko sa’yo.
ulan. ako si ulan.
—————————————————————————
salamat sa litrato mo:

