ngayong araw na to pakiramdam ko tumama na naman ako sa lotto.
siyempre hindi pako tumatama sa lotto talaga, yung pakiramdam na manalo dun ay parang pinangarap ko lang at nakuha ko yun ulit kanina. biruin mo, sabi ng kaibigan kong dalubhasa sa estadistika, ang tsansa na tamaan ako ng kidlat ay mas malaki pa kesa sa tsansa na tumama ako sa lotto — kung sakali mang tumataya talaga ako.
wala naman akong ginawa talaga. hindi naman siguro kasama ang pagpapapakyut ko, o pagngiti at belat na parang bata, o ang pang-abnoy kong mga kwento para maging sadya lang akong maswerte at maka-jackpot.
pero…hindi kita natsambahan lang. hindi ka rin laro lang. kaya tatanggalin ko na ang pagkukumpara sayo sa lotto. pero gayunpaman, ganun pa rin ako kaswerte! yung tipong sa pagkatagal-tagal ng panahon, ako lang ang inulan ng pinakamatinding ano ba tawag dito — (hahaha), kasi naman, kung sobrang pagmamahal ang tawag dito, mas matindi pa dun. hindi sakto yun eh. kaya hindi ko alam. pinakamatinding-ano-ba-tawag-dito-na-ako-lang-meron na lang siguro ang tawag dun. ๐
———————-
nagiisip ako kung paano ko ba ipapaliwanag ang nararamdaman ko. at habang ginagawa ko yun, tumunganga ako sa monitor ng kompyuter habang nakapangalumbaba. napangiti ako dahil naamoy ko ang pabango mo, na kumapit sa kamay ko. nakakatuwa rin dahil biglang ang pangangalumbaba na ang paborito kong gawain sa gabing to. (haha). susubukan ko ring mangalumbaba hanggang maalala ko ulit na ang paghinga ay hindi puro singhot lang. yan. ganyan. ganyang-ganyan ako mabaliw sa kahit simpleng bagay lamang na may kinalaman sayo. kung pag-aadik na ang tawag dito, hindi eh. hindi rin lang sakto yun. ๐
———————-
alam mo ba kasi kung ano ginawa mo sakin ngayong araw na to? tinuruan mo akong kumapit ulit sa pangarap. at tinulungan mo pa akong sumunggap ng mahigpit. dahil sa pangakong sabay nating haharapin lahat.
iba man ang mundong tinahak natin noon, sa pagkakataong ito, kasabay ng salamangka ng kung anumang tawag dito, nabuo ang iisang pangarap na sabay nating aabutin. nakakapagod rin ang tatlong dekada na tinahak ko —- mula doon sa “paglaki ko gusto ko maging….” hanggang sa “wow pare, scientist ako, ‘stiiiig”….hanggang sa “…ako si ma’am”…hanggang sa “landas ng mga master”…biruin mo yun? sabihin na nating may narating na ako kahit papano dahil sa mga yan…pero hindi eh. ikaw lang naman pala. ikaw lang naman pala ang magbibigay ng ano bang tawag sa kasiyahang to — kahit walang diploma, kahit walang lisensya.
at ngayong araw lang din ako umorder ng bihon, pero ang inihain sakin ay lomi. (haha)… ang init ng lomi ha, kasing init ng pagmamahal mo (hahaha, banat, excuse me). pero kung iisipin, minsan may hinihingi ako, pero ang binibigay mo sakin, iba. labis-labis. iba ka eh. alam mo kung ano mas masaya, mas karapat-dapat, mas tumatatak. ๐
ngayong araw tinuruan mo ko. na kailangan ko ring maglibang sa pagtuturo at trabaho. na kailangan ko lang ulit ibalik ang pagtatyaga ko para sa mabisang pagtuturo, yung may kasamang tamang-presko pero hindi nagpapakyut. tinuruan mo akong mabuhay ng may katiyakan ulit, manipa ng asno, maniwala ulit sa sarili.
bumili ako ngayon ng walong bolpen. naka-jackpot ako eh, di ba? walong bolpen. dalawang pula, pangtsek ng mga papel. tatlong asul pangsulat ng mga puna sa thesis. tatlong itim, pangsulat ng mga liham ko para sayo.
salamat sa lahat. salamat sa araw na ‘to.
salamat sa kung ano mang tawag dito. (._.)
