nagsimula na ang mga araw
na walang kinikilala kundi ang bahagharing kupas
na walang gagawin kundi ang pagmasdan ito
at hintayin ang panunumbalik ng mga kulay.

pula.
manggagaling sa ala-ala ng iyong mga labi.
pinakamatingkad. pinakamagandang ngiti.

kahel.
buhat sa magandang balita
dulot ng bawat pag-gising.
tulad ng init ng araw na dumadampi sa akin.

dilaw.
araw sa katanghalian, tulad ng kanyang ngiti .
dulot ay saya at pag-asa
ngunit bahagyang nakakabulag.

berde.
maga bagay na may buhay
larawang pamawi sa bawat pagpanaw.
tag-sibol. wakas ng nakaliliyong tag-init.

asul.
langit at kaunting nakakatuwang ulap
salamin ng kanyang paghahanap
pag-hanga sa maliliit na pag-ibig sa himpapawid.

indigo.
isang iglap, kinain ang ulap.
dilim na dulot ng nagmamadaling araw
lungkot ang bumalot. nakamamatay. nakalulunod.

lila.
kamatayan sa dilim at ulan
unti-unting pinapawi.
gabing dulot ng pag-lisan
nais ng waksan ng kulay na dulot ng pinakamatingkad na damdamin.

(tulang pilit tinapos ng isang mahirap intindihing batang langaw…)