Naaalala ko ang mga panahong halos araw-araw ay galit na galit ako sa mundo, kahit napakababaw naman pala ng rason. Walang kwenta kung tutuusin. Pero sa mga panahong yon akala ko napakabigat talaga ng mga dinadala ko.

Naisip ko, mashado pala akong mahina noon. Dahil hinayaan ko sarili ko na lamunin ng lungkot, mawalan ng direksiyon, maginarte sa mga bagay-bagay… sayang ang mga panahong pwede kong ayusin ang aking pag-aaral, ang di tumambay at di ma-late sa klase…mga panahong pwede kong ayusin ang trabaho ko, ang di tamaring magresearch, di ma-late sa pagpasok at maging interesado sa ginagawa ko.

Sabihin na nating napagdaanan ko lahat yun dahil may gusto saking ituro ang buhay. Oo, natuto ako, pero di ko maipagmamalaki yun…

Sayang ang ilang taong palagi akong malungkot. Bakit nga ba kasi napakarami kong hinahanap nun? Natatawa na nga lang ako ngayon at sinasabi sa sarili ko: “ang dami mo palang arte sa buhay, jen…”

Ngayon, kaya ko ng tumunganga sa buong araw at di awayin ang mundo at di mabugnot. Masaya ako sa sarili ko. Kahit palagi lang ako nasa bahay at di lumalabas. Kahit wala akong kaibigang malapit sa kinalalagyan ko na pwede kong ayain magfood trip o samahan ko siyang mag-yosi o mag-jamming, magbilyar, magping-pong o tumambay lang…kahit wala pa rin akong trabaho at wala ring pera…kahit ganon. Masaya ako.

Nakakatuwa pala ang buhay. Nakakasabik ang mga susunod na maaaring mangyari. Sa isang iglap, iikot ang mundo mo na parang roleta. At magugulat ka kung saan siya titigil. (malay mo naman, sa jackpot na!)………..